Sunday, April 09, 2006

Cha-Cha ni GMA, De Venecia, at Ramos, Pagbabalik ng Diktadurya!


PATULOY NA LABANAN ANG PAGPAPAHIRAP, PANUNUPIL, AT PANLILINLANG SA TAUMBAYAN NG REHIMENG US-ARROYO!

Cha-Cha ni GMA, De Venecia, at Ramos, Pagbabalik ng Diktadurya!

GUMAGANDA NA ANG EKONOMIYA DAHIL LUMALAKAS NA DAW ANG PISO KONTRA DOLYAR. Ipinagyayabang din ni Ginang Arroyo na “matatag at solido” daw ang kanyang gobyerno sa kabila ng patuloy na diumanong banta ng destabilisasyon at kudeta.

Ang totoo ay gigiray-giray na ang bangkaroteng pamahalaan ni GMA. Tanging ang baril ng AFP at PNP na pinanunupil sa taumbayan ang bumubuhay na lamang sa naghihingalong rehimeng ito. Patuloy itong niyayanig ng mga kilos-protesta ng taumbayan, ng banta ng muling impeachment, at ng lumalaking bilang ng mga opisyales militar at PNP na naghahangad na patalsikin si Ginang Arroyo.

Namimilipit na sa kahirapan ang mamamayan. Unti-unting pinapatay sila ng tumitinding krisis at walang puknat na pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin, produktong petrolyo, at singil sa serbisyo na lalo pang pinasirit paitaas bunga ng pagpataw ng 12% Value Added Tax simula nitong nakaraang Pebrero.

Araw-araw ay said ang laman ng bulsa ni Juan at Maria dahil hindi itinataas ang sahod. P22 na ang kada kilo ng bigas NFA mula sa dating P18. Kuwarenta pesos na ngayon ang isang kilo ng asukal mula sa dating P26. Ang presyo ng LPG, gaya ng ARGAS, ay umabot na sa P560 kada tangke mula sa dating P390. Ang nakasanayang instant noodles na dati’y P3.50 kada pakete ay pitong (7) piso na ngayon. Kapag kinuwenta pa natin ang buwanang bayarin sa kuryente, tubig, renta sa bahay o boarding house.… Haaaay! Sino ba namang ordinaryong manggagawa, maliit na kawani ng gobyerno, at nakararaming maralita ang hindi tataas ang presyon ng dugo at hindi mag-iinit ang ulo? Sa napakababang minimum na P249 hanggang P255 na sahod kada araw dito sa Kabite, ang mga manggagawa ay sobra-sobra sa trabaho pero kulang na kulang sa pambili ng pagkain at serbisyo mula sa gobyerno. Kaya nga sa panahon ngayon ng graduation at recognition day, mga BUMBAY, USURERO”T TAGAPAGLAKO ng 5-6 ang hanap at habol-habol ng mga maralita para lamang makapagmartsa at makaakyat sa entablado ang mga pinakamamahal na anak.

Tumaas nga ang palitan ng piso kontra dolyar, pero paunti nang paunti naman ang nabibili nito sa palengke! Bagsak na nga ang halaga ng piso, wala o kulang na kulang pa sa serbisyo ang taumbayan!

Sa ilalim ng gobyernong GMA, hindi prayoridad ang edukasyong publiko at iba pang serbisyong panlipunan. Sa panukalang P1.053 trilyong pambansang badyet ngayong taon na ipinasa ng mga kaalyado ni GMA sa Kongreso noong nakaraang Marso 23, ibinaba ang alokasyon ng edukasyon sa 14.76% mula sa dating 14.85%. Gayundin ang alokasyon sa kalusugan na mula sa dating 1.67% ay ibinaba sa 1.47%. Halos P240 bilyon lamang o 28% ang inilaang badyet ng gobyernong GMA kung pagsasama-samahin ang alokasyon sa edukasyon, kalusugan, panlipunang seguro, pabahay at pamamahagi ng lupa. Ang malaking bahagi ng badyet ng gobyerno ngayong taon na mahigit P600 bilyon ay otomatikong nakalaang pambayad sa mga dayuhang utang ng bansa kahit walang pakinabang ang taumbayan. Halimbawa dito ay ang patuloy na pagbabayad ng utang sa walang pakinabang na Bataan Nuclear Power Plant.

Malaking kasinungalingan ang ROAD MAP TO RECOVERY PROGRAM at mapanlinlang ang islogang “SERBISYO MUNA” ng rehimeng US-Arroyo. Hindi interes ni GMA na palaguin ang ekonomiya at palakasin ang serbisyong panlipunan at pawiin ang kahirapan. Ang tanging interes ni GMA ay manatili sa poder ng pampulitikang kapangyarihan na lampas pa sa taong 2010 kahit sa pamamaraan ng lantaran at marahas na panunupil sa mga karapatan at kalayaang sibil ng mga mamamayan. Ang mga mararahas na dispersal ng mga kilos-protesta, welga, kaso ng pagdukot at pamamaslang sa mga progresibong lider manggagawa, magsasaka, estudyante, abogado, mamamahayag, pari, pag-Court Martial sa mga tumutuligsang opisyales ng AFP at PNP sa korapsyon ng rehimeng GMA, at pag-atake sa sektor ng midya ay mga palatandaang nabuhay na muli ang pasistang diktadurya sa bansa.

Hindi totoong pagod na ang taumbayan sa People Power! Pinatunayan ito ng mga serye ng kilos-protesta nang ideklara sa bansa ng rehimeng Arroyo ang state of national emergency (SNE). Bagkos, ang deklarasyon ng SNE ay malinaw na isang desperado at militaristang hakbang ni GMA sa sobrang takot nito na mapatalsik sa mismong araw ng paggunita ng EDSA People Power 1.

Hindi titigil ang taumbayan sa pagpapatalsik sa rehimeng US-Arroyo! Sa kabilang banda, hindi rin titigil ang kinamumuhiang rehimen sa paggamit ng mga pwersang militar at pulisya sa pagsupil sa taumbayan. Patuloy din ang gagawin nitong maniobra para makapanatili sa pekeng panunungkulan. CHA-CHA, sa pamamagitan ng pekeng peoples’ initiatives ang pinakahuling pakana ng rehimeng Arroyo para tiyakin ang kanyang panunungkulan na lampas pa sa 2010.

Ang Cha-Cha ay ang lumang tugtugin na sinasayaw ngayon nina GMA, De Venecia, at Ramos. Ang una ay ayaw umalis sa pekeng panunungkulan, ang ikalawa ay uhaw na uhaw na makapanungkulan, at si Ramos naman ay haling na haling na makabalik sa kapangyarihan. Ngunit ang Cha-Cha ay hindi lamang pagpapalit ng porma ng gobyerno. Higit pa dito, ang Cha-Cha ay para alisin ang mga makabayang probisyon na nagbabawal sa malayang pandarambong at pagkontrol ng mga dayuhan, lalo na ng mga dambuhalang kapitalista sa Estados Unidos, sa likas na yaman ng bansa at istratehikong mga industriya o negosyo. Ang Cha-Cha ay ang muling pagbabalik ng mga base militar at tropang kano sa bansa. Ang Cha-Cha ay ang muling pagbabalik ng pasistang diktadurya sa bansa sa ilalim ng pamumuno ng diktador na si GMA.

Hindi Cha-Cha ang tugon sa kahirapan at krisis pang-ekonomiya ng bansa. Magagawa ba ng Cha-Cha ang mga sumusunod:

1. Maisasabatas ba ang panukalang P125 legislated wage increase sa mga manggagawa at P3,000 dagdag na sahod sa kawani ng pamahalaan na matagal nang nakabinbin sa Kongreso?
2. Matitigil ba ang pambubuwag ng gobyerno, mga kapitalista, pulisya at militar sa mga unyon ng manggagawa at panunupil sa karapatang magwelga? Matitigil ba ang kontraktwalisasyon?
3. Matitigil ba ang mga demolisyon sa mga komunidad ng maralita at magkakaroon ng tunay na libreng pabahay?
4. Magkakaroon ba ng tunay na reporma sa lupa para magkaroon ng sariling lupang binubungkal ang mga magsasaka?
5. Tataas ba ang presyo ng produktong Kape at iba pang produktong agrikultural na binibili sa mga magsasaka? Bababa ba ang presyo ng mga bilihin at presyo ng langis at produktong petrolyo?
6. Makakapag-aral na ba ang milyon-milyong kabataan na hindi makapag-aral sa paaaralan bunga ng kahirapan?
7. Matitigil ba ang mga kriminal na aktibidad na kinasasangkutan ng mga militar at pulisya?
8. Matitigil ba ang talamak na korapsyon sa gobyerno at pangnanakaw sa kaban ng bayan?
9. Matitigil ba ang walang awang pagpaslang sa mga aktibista?
10. Mawawakasan ba ang pekeng panunungkulan ni GMA at mahahadlangan na ang pagkontrol ng mga korap na TraPo sa pulitika ng bansa?11. Magkakaroon ba ng kasunduang pangkapayapaan na magbibigay wakas sa armadong tunggalian sa pagitan ng CPP/NPA/NDF at ng Gobyerno ng Pilipinas?

Ibasura ang Cha-Cha! Patalsikin si Gloria! Itayo ang Transitional Council (Konseho ng mamamayan) na maghahanda para sa pagbubuo ng tunay na gobyerno ng mamamayan at di ng iilan. Ang Konsehong ito ang mag-aayos ng mga repormang pang-ekonomya, pulitika, militar, kultura, at relasyong internasyunal. Ito rin ang kagyat na magpoproseso ng pag-aamyenda ng Konstitusyon at magsasaayos o maghahanda ng eleksyong nasyunal para sa pambansang mga posisyon. Si GMA at ang Cha-Cha ay pawang mga pekeng solusyon sa lumalalang kahirapan, krisis pangkabuhayan, at kaguluhang pulitikal ng bansa.

PATULOY NA LABANAN ANG PAGPAPAHIRAP, PANUNUPIL, AT PANLILINLANG SA TAUMBAYAN NG REHIMENG US-ARROYO! Magagawa lamang ito ng taumbayan sa pamamagitan ng tuluy-tuloy at walang takot na pagsusulong ng katotohanan, katarungan, at kapayapaang ayaw tahakin ng nabubulok, bangkarote, sinungaling, mandaraya, korap, diktador at pasistang rehimeng US-Arroyo. Kinakailangang ang maramihang paglahok ng mga manggagawa, magsasaka, maralitang lungsod, propesyonal, taong simbahan, ng mga makabayan at progresibong mga pulitiko at oposisyong anti-arroyo, ng mga kontra-korapsyon na mga sundalo at pulis, at lahat ng samahan ng mamamayan sa lalawigan ng Kabite sa pambansang panawagan ng pagpapatalsik sa rehimeng US-Arroyo.

Kailangang sama-samang biguin ng taumbayan ang panunumbalik ng pasistang diktadurya sa pulitika ng bansa at ang tumitingkad na lantaran at marahas na represyong pulitikal na mas malupit at mas mapamuksa kaysa sa pasistang diktaduryang Marcos.

Itaguyod ang pakikibaka para sa: Demokrasya hindi Diktadurya! Hanapbuhay hindi Cha-Cha! Kalayaan at Karapatan hindi Karahasan! Katotohanan hindi Kasinungalingan! Kasaganahan hindi kahirapan!

SOLIDARITY OF CAVITE WORKERS (SCW)
Abril 1, 2006