Thursday, April 20, 2006

Gobernador Maliksi buo ang loob laban sa manggagawa


GOBERNADOR MALIKSI BUO ANG LOOBLABAN SA MANGGAGAWA
Cavite Larawan ng Bulok na Pulitika ng Bansa

Ika-3 ng Abril 2006 nang ilabas ng Court of Appeals (CA) ang desisyon hinggil sa inihaing petisyon ni gobernador Maliksi noong nakaraang Agosto 2005 kaugnay ng maanomalyang P7.5 milyong transaksyon sa bigas.

Matatandaang anim na buwang pagkakasuspinde ang ipinataw ng Ombudsman kay Gob. Maliksi noong nakaraang taon nang maghain ng reklamong katiwalian si Bise-Gobernador Juan Victor “Jonvic” Remulla. Hindi lamang ito naipatupad bunga ng nakuhang Temporary Restraining Order (TRO) kaalinsabay ng apela ni Maliksi sa Court of Appeals noong nakaraang Agosto 2005.

Bukod sa kaso ng korapsyon, malala at mahaba na ang listahan ng pang-aabuso at krimen ni Maliksi sa Masang Manggagawa at Kilusang Paggawa sa Kabite! Mula nang maluklok sa kapitolyo noong nakaraang 2001 hanggang sa kasalukuyan ay matinding panunupil at pagsikil sa karapatan ang sinapit ng mga manggagawa sa lalawigan.

Oktubre 9, 2001, limang buwan pa lamang sa panunungkulan ay ipinalasap na ni Maliksi sa mga manggagawa ang bangis ng kanyang kontra-manggagawang “No Union, No Strike Policy” (NUNS) sa pamamagitan ng pakikipagsabwatan sa mga kapitalista at Philippine Economic Zone Authority na noo’y pinamumunuan ni Zone Administrator Digna Torres. Katuwang ang mga PEZA Police at security guards, iligal at marahas na binuwag ng mga tauhan ni Maliksi ang mapayapang welga at protesta ng mga manggagawa ng Triple Eight Garments Corporation at Sun Kim Apparel Phils. Inc., Nasundan pa ito noong taong 2003 nang buwagin ang piket-bantay ng mga manggagawa sa Kosiphil Int’l Phils., Inc. (ngayon ay Faremo), GJM-Warnaco at Jordache Phils. Inc.


Ang mga panghihimasok, pakikialam sa mga usaping manggagawa-kapitalista at pambubuwag ng mga kilos-protesta at welga ang naging papel ng mga goons at nagsisilbing mga private army ni Maliksi na nagkukubli sa Office of the Provincial Governor (OPG). Mga taong nakapayroll sa kapitolyo at pinasasahod ng salapi ng bayan mula sa buwis ng mamamamayan.

Upang bigyang laya ang mga pang-aabuso ng mga kapitalista at tiyaking hindi makakapag-unyon at magtatagumpay ang mga protesta ng mga manggagawa, itinayo ang Cavite Industrial Peace Advisory Group na direktang pinangangasiwaan ni Gob. Ayong. Nasundan pa ito nang pagtatayo ng Cavite Industrial Peace Council (CIPC), na sa esensya ay kapulungan ng mga bentador ng karapatan, kagalingan at taksil sa interes ng mga manggagawa.

Responsable rin ang OPG sa paghahasik ng takot at panlilinlang sa mga lider manggagawa at mga pamilya at mga aktibong kasapi ng unyon sa anyo ng pagpapatawag sa mga baranggay hall hanggang sa kapitolyo at pagpunta mismo ng mga armadong goons ni Maliksi sa mga bahay ng mga manggagawa gaya ng ginawa nito sa mga manggagawa ng Tokumi Electronics Phils. Inc., at Sanno Phils. Mfg. Corporation na matatagpuan sa Gateway Business Park sa Gen. Trias, Cavite. Sa kaso naman ng mga manggagawang nag-uunyon sa Nippon Antennae na matatagpuan sa First Cavite Industrial Estate (FCIE), sapilitang isinakay at inihatid ng mga tauhan ng OPG-CIPAG sa Department of Labor and Employment (DOLE) ang mga aktibong lider at kasapi ng unyon para sapilitang papirmahin sa isang kasulatan ng pagtiwalag sa unyon.

Hanggang sa ngayon ay patuloy nanggugulo at nanghahati sa pagkakaisa ng mga manggagawa sa Yazaki-EMI sa Imus ang mga tauhan ni Maliksi kasabay ng pinagha-hanapbuhayan nito ang unyon. Nang mawala sa kontrol at magising sa katotohanan ang dating pamunuan ng unyon na pinagungunahan ni G. Geri Cristobal na nagpasyang kumawala sa impluwensya at pambabaluktot sa tunay na prinsipyo ng unyonismo ni Maliksi para sa sariling kapakanan sa pulitika sa Cavite. Upang mapanatili ang kontrol ni Maliksi sa kanyang itinuring na basing pulitikal, agad na pinalitan ng mga huwad na lider manggagawa na kilalang malapit sa gobernador sa pamamagitan ng isang moro-morong eleksyon sa tulong ng mga bayarang opisyales ng Department of Labor and Employment (DOLE).

Biktima rin ng panlilinlang ng OPG ang mga manggagawa ng Yozuri sa CEPZ matapos mabola ay agad itinayo ang dilawang unyong Kristong Manggagawa sa Yozuri na matapos galitin at paasahin ang mga manggagawa ay iiwanan din pala. Ganito rin ang nangyayari sa Chang Chuen at Selma Apparel Corporation habang sa South Gold Garments naman ay pinagmistulang gatasan at palabigasan na lamang ng tauhan ni Maliksi ang pondo ng unyon habang kumukubra ng salapi sa maneydsment para tiyaking hindi aalma at magrereklamo at humantong sa welga ang mga manggagawa.

Kaya noong nakaraang Mayo 1, 2005 sa araw mismo ng Pandaigdigang Paggawa o Labor Day ay buong kayabangan nitong ipinahayag sa kanyang pang-umagang programa sa radio na STRIKE FREE na daw ang Cavite.

Ito ay ilan lamang sa mga tampok na kaso ng administrasyong Maliksi sa mga manggagawa. At sa kasalukuyang pampulitikang krisis na kinasasadlakan ni Maliksi bunga ng kasong katiwalian ay hindi dapat manood at malibang ang mga manggagawa at mamamayan sa bangayang ito sa pulitika. Hindi dapat maiipit at masakripisyo ang serbisyo para sa manggagawa at mamamayan ng lalawigan. Masama ang nais ipahiwatig ng kaso ng katiwaliang kinasasangkutan ngayon ni Gobernador Maliksi. BIGAS NA ISUSUBO AT IPANLALAMAN SA KUMAKALAM NA SIKMURA NG GUTOM NA MAMAMAYAN AT MANGGAGAWA NA MATAGAL NANG PINAHIHIRAPAN NG KRISIS AT KAHIRAPAN AY NAKUHA PANG NAKAWIN AT IBULSA NI MALIKSI.

At habang nasa suspensiyon ang katayuan ni Maliksi, ay kasabay din ang paghamon ng mga manggagawa sa Acting Governor Jonvic Remulla upang ibasura ang No Union, No Strike Policy na ipinatupad ni Maliksi, gayundin din ang pagbuwag sa CIPAG at opisina ng OPG na nasa loob ng CEPZ dahil ito ay nagsisilbing kanlungan ng mga goons na tagabuwag ng mga unyon at nananakot at nanlilinlang sa mga manggagawang nais magtayo ng unyon. Kaalinsabay din nito ay imbistigahan ng Acting Governor ang mga ghost employee sa kapitolyo na ginamit ni Maliksi para sa pagpapatupad ng kanyang patakarang NUNS.

Ang nagaganap ngayon sa kapitolyo ay tulad din ng nagaganap sa Malakanyang. Si Maliksi na may kaso at iniimbistigahan dahil sa kasalanan sa mamamayan ay ayaw umalis sa kapangyarihan, kagaya ni GMA ay nananatiling kapit-tuko sa kapangyarihan. MALIKSING PAGTANGGI AT PANGANGATWIRAN, para ipreserba ang poder-kapangyarihan at linisin ang sarili sa mga akusasyon ng katiwalian. Gaya ng pagkakaila nito ng kanyang kontra-manggagawang patakarang NUNS na pawang nakakiling sa interes ng mga kapitalista sa lalawigan. Ayong Maliksi at Gloria Arroyo...walang pinag-iba, KONTRA-MANGGAGAWA… PAREHONG TUTA AT UTAK-KAPITALISTA!

IBASURA ANG NO UNION, NO STRIKE POLICY SA CAVITE!BUWAGIN ANG CIPAG AT CIPC… KANLUNGAN NG MGA GOONSAT PRIVATE ARMY NI GOB. MALIKSI!TUNAY NA SERBISYO AT PAGLILINGKOD ANG KAILANGAN NG MAMAMAYANG KABITENYO,
SOLIDARITY OF CAVITE WORKERS (SCW)Ika-20 ng Abril 2006

Tuesday, April 18, 2006

Peza taksil sa interes ng manggagawa!

SABWATANG PEZA-KAPITALISTA PAHIRAP SA MGA MANGGAGAWANG CAVITE EXPORT PROCESSING ZONE

Sukdulan na ang pagpapahirap ng Philippine Economic Zone Authority (PEZA) sa mga manggagawa sa Cavite Export Processing Zone (CEPZ). Lantaran nitong niyuyurakan at isinasaintabi ang lehitimong mga karapatan ng mga manggagawang mag-unyon, magkaroon ng makatarungan at disenteng sahod at benepisyo, at ng katiyakan sa matagalang paghahanapbuhay. Sawang-sawa na ang mga manggagawa sa pagpapahirap ng sabwatang PEZA-kapitalista.

Hindi ang pag-uunyon ng mga manggagawa na subok na sa pagtatanggol ng kanilang interes, karapatan at katiyakan sa matagalang paghahanapbuhay ang naging dahilan ng pagsasara ng mga pagawaan. Ang sabwatang PEZA-Kapitalista ang malaking salot sa paghahanapbuhay sa CEPZ! Lalo nitong inilulublob sa kumunoy ng kahirapan ang mga manggagawa.

Noon pa mang Oktubre 9, 2001 lubusang nahubaran ng maskara at tumambad sa mga manggagawa ang ginagawang pakikipagsabwatan ng PEZA sa mga kapitalista nang ipag-utos ng dating CEPZ Administrator na si Digna Torres ang iligal at marahas na pagbuwag sa mapayapang welga sa Triple Eight Garments Mfg. Corp. at Sun Kim Apparel Phils., Inc. Muling inulit ang karahasan noong 2003 sa mga welga at bantay-pabrika ng mga unyon sa Kosiphil Int’l. Philippines Inc., GJM-WARNACO, at sa Jordache Philippines Inc. Dumanas ng kalupitan ang mga aping manggagawa sa kamay ng numero unong berdugong si Col. EMILIANO PESTIO ng PEZA Police. Kasabwat din ng PEZA sa ginawa nitong marahas na pambubuwag ang mga PEZA blue guards at ang mga GOONS ng kasalukuyang suspendidong Gobernador Ireneo “Ayong” Maliksi.

Pinatakas ng PEZA ang kapitalista ng Loyal Garments Phils. Inc. na si Roy Leung. Ang temporary shutdown ng CS Garments Inc. at Ultimate Electronics Components Inc. na lubhang pinatagal sa pakikipagtulungan din ng PEZA ay nanggipit sa mga manggagawa upang pikit-matang tanggapin ang mga binarat na separation pay.

Sa gitna ng tumitinding kahirapan at krisis pang-ekonomiya sa mga manggagawa at mamamayan ang pakikipagsabwatan ng PEZA sa mga kapitalista ay nagpapatuloy. Perwisyo at di serbisyo ang ginagawa ng PEZA! Napakababa na nga ang sahod ay pinahihintulutan pa ng PEZA ang maraming kompanya na hindi magpatupad ng itinatakdang minimum na P266 arawang sahod, lalo na ang mga kontraktwal. Ang mga manggagawa ay palaging biktima ng mga paglabag sa batas ng mga kapitalista - wala sa minimum na sahod, iligal na pagtatanggal, kontraktwalisasyon, nakamamatay na obertaym, mapanganib sa kalusugan na lugar produksyon, wala sa tamang oras na pagpapasahod, hindi paghuhulog ng Social Security System (SSS) premium at Pag-ibig contribution, at pagnanakaw o hindi pagbibigay ng 13th month pay at tax refund.

Nakipagsabwatan din ang PEZA sa mga kapitalista sa pagdurog ng mga unyon at pananabotahe sa mga negosasyon sa CBA sa pamamagitan ng pagtatanggal o pagsususpindi sa mga lider ng unyon at iligal na paglilipat ng order sa ibang pabrika. Binibigyan ng PEZA ng Letter of Authority (LOA) para maramihang maipa-subcon ng kapitalista ang gawa sa ibang pabrika upang gipitin at takutin ang mga unyonistang manggagawa ng pagsasara, katulad ng ginagawa ngayon sa Chongwon Fashion Inc. at Phils-Jeon Garments Inc.

Ang pinakamasahol na krimen ay ang marahas na pakikipagsabwatan ng PEZA sa kapitalista ng Chunji International Philippines, Inc. (CIPI). Pinatakas ng PEZA ang kapitalistang Koreano na hindi inobligang bayaran ang mga manggagawa nang naayon sa itinakda ng batas na separation pay, mabayaran ang monthly contribution sa SSS, PAG-IBIG, at Philhealth. Iligal at pwersahan ding ipinabuwag nina Zone Administrator ATTY. DANTE QUINDOZA ng CEPZ at ATTY. MILDRED VILLAFLOR ng PEZA-TUCP, ang mapayapang pagbabantay ng mga manggagawa sa nagsarang pabrika ng CHUNJI. Nagmistulang halimaw na hayok sa perang isusuhol ng kapitalistang Koreano ang mga PEZA Police at mga gwardiya ng Jantro. Muling pinamunuan ng berdugong si COL. EMILIANO PESTIO ang pambubugbog sa mga manggagawa. Marahas na pinaghihila sa paa at pinagbubuhat na parang hindi tao ang mga kababaihang manggagawa noong Enero 5, 2006 at muling inulit noong Enero 21, 2006. Pinatakas din ng PEZA ang kapitalistang Koreano ng JB Manufacturing Philippines Inc. kaya hindi pa nababayaran ang mga manggagawa hanggang ngayon sa kabila nang nanalo na sila sa kaso. Naglaho ang kapitalista, naglaho ding parang bula ang mga makinarya ng JB na nasa pangangalaga ng PEZA na pambayad sana sa mga manggagawa.

Ginagamit din na instrumento ng sabwatang Peza-Kapitalista ang dilawang Trade Union Congress of the Philippines (TUCP) upang hatiin ang pagkakaisa ng mga manggagawa at sirain ang tunay na diwa at halaga ng unyonismo bilang tamang tugon sa pang-aabuso ng mga kapitalista. Nagsisilbing tagapagsalita o bugaw ng TUCP at ng mga kapitalista ang PEZA sa mga binarat na bayaran sa separation pay, gaya ng ginawa ng pinatalsik na PEZA Industrial Relations Division (IRD) Chief na mula sa TUCP na si Atty. Mildred Villaflor sa mahigit 300 manggagawa ng nagsarang Chunji. Bukod sa mas mababa pa sa itinatakda ng batas na 15 days per year of service na separation pay, ang ipinagkasundong binarat na separation pay na 10 days per year of service ay kinotongan pa ng TUCP ng tatlong (3) porsyento kada manggagawa.

Biktima din ng sabwatan ng PEZA-Kapitalista at ng TUCP ang mga manggagawa ng Woo Chang Co. Inc. at Eastar Export Ventures Corporation. Pinatakas ang mga kapitalista ngunit hindi pa nababayaran ang mga manggagawa hanggang sa kasalukuyan. Sa kaso naman ng MA Technology, Inc., SH International Corp., SP Ventures Corp., Samma Corp., at Ju-Young Electronics Phils. Inc., pagkatapos matalo sa Certification Election (CE) pinabayaan na ng TUCP ang mga manggagawa, habang unti-unting tinatanggal ng kapitalista ang mga opisyales at mga aktibong kasapi hanggang tuluyan ng madurog ng kapitalista ang mga unyon.

Hindi dapat makaligtas ang PEZA sa kanyang kasalanan sa mga manggagawa. Kasabay ng ating paggunita sa nalalapit na Pandaigdigang Araw ng mga Manggagawa sa darating na Mayo 1, ipakita natin ang ating galit at pagtutol sa kontra-manggagawang sabwatang PEZA-Kapitalista! Sama-Sama tayong magmartsa sa loob ng CEPZ upang singilin at patuloy na kundenahin ang lantarang pagpapatupad ng mga maka-kapitalistang patakaran ng PEZA. Malawakan tayong mag-organisa ng unyon, magsagawa ng mga kilos protesta para maipagtanggol ang ating mga karapatan, at para din sa kagyat na pagpapatalsik sa mga kasabwat ng kapitalista sa PEZA, gaya nang pinatalsik nang si Atty. Mildred Villaflor ng PEZA-TUCP.

PEZA POLICE MABANGIS SA MANGGAGAWA, TYOPE SA MAGNANAKAW!IPATUPAD ANG MINIMUM NA SAHOD SA MGA MANGGAGAWANG KONTRAKTWAL!LABANAN AT BIGUIN ANG SABWATANG PEZA-KAPITALISTA!TRABAHO, SAHOD, BENEPISYO, HINDI KARAHASAN!

SOLIDARITY OF CAVITE WORKERS (SCW)
Ika-18 ng Abril 2006

Sunday, April 09, 2006

Cha-Cha ni GMA, De Venecia, at Ramos, Pagbabalik ng Diktadurya!


PATULOY NA LABANAN ANG PAGPAPAHIRAP, PANUNUPIL, AT PANLILINLANG SA TAUMBAYAN NG REHIMENG US-ARROYO!

Cha-Cha ni GMA, De Venecia, at Ramos, Pagbabalik ng Diktadurya!

GUMAGANDA NA ANG EKONOMIYA DAHIL LUMALAKAS NA DAW ANG PISO KONTRA DOLYAR. Ipinagyayabang din ni Ginang Arroyo na “matatag at solido” daw ang kanyang gobyerno sa kabila ng patuloy na diumanong banta ng destabilisasyon at kudeta.

Ang totoo ay gigiray-giray na ang bangkaroteng pamahalaan ni GMA. Tanging ang baril ng AFP at PNP na pinanunupil sa taumbayan ang bumubuhay na lamang sa naghihingalong rehimeng ito. Patuloy itong niyayanig ng mga kilos-protesta ng taumbayan, ng banta ng muling impeachment, at ng lumalaking bilang ng mga opisyales militar at PNP na naghahangad na patalsikin si Ginang Arroyo.

Namimilipit na sa kahirapan ang mamamayan. Unti-unting pinapatay sila ng tumitinding krisis at walang puknat na pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin, produktong petrolyo, at singil sa serbisyo na lalo pang pinasirit paitaas bunga ng pagpataw ng 12% Value Added Tax simula nitong nakaraang Pebrero.

Araw-araw ay said ang laman ng bulsa ni Juan at Maria dahil hindi itinataas ang sahod. P22 na ang kada kilo ng bigas NFA mula sa dating P18. Kuwarenta pesos na ngayon ang isang kilo ng asukal mula sa dating P26. Ang presyo ng LPG, gaya ng ARGAS, ay umabot na sa P560 kada tangke mula sa dating P390. Ang nakasanayang instant noodles na dati’y P3.50 kada pakete ay pitong (7) piso na ngayon. Kapag kinuwenta pa natin ang buwanang bayarin sa kuryente, tubig, renta sa bahay o boarding house.… Haaaay! Sino ba namang ordinaryong manggagawa, maliit na kawani ng gobyerno, at nakararaming maralita ang hindi tataas ang presyon ng dugo at hindi mag-iinit ang ulo? Sa napakababang minimum na P249 hanggang P255 na sahod kada araw dito sa Kabite, ang mga manggagawa ay sobra-sobra sa trabaho pero kulang na kulang sa pambili ng pagkain at serbisyo mula sa gobyerno. Kaya nga sa panahon ngayon ng graduation at recognition day, mga BUMBAY, USURERO”T TAGAPAGLAKO ng 5-6 ang hanap at habol-habol ng mga maralita para lamang makapagmartsa at makaakyat sa entablado ang mga pinakamamahal na anak.

Tumaas nga ang palitan ng piso kontra dolyar, pero paunti nang paunti naman ang nabibili nito sa palengke! Bagsak na nga ang halaga ng piso, wala o kulang na kulang pa sa serbisyo ang taumbayan!

Sa ilalim ng gobyernong GMA, hindi prayoridad ang edukasyong publiko at iba pang serbisyong panlipunan. Sa panukalang P1.053 trilyong pambansang badyet ngayong taon na ipinasa ng mga kaalyado ni GMA sa Kongreso noong nakaraang Marso 23, ibinaba ang alokasyon ng edukasyon sa 14.76% mula sa dating 14.85%. Gayundin ang alokasyon sa kalusugan na mula sa dating 1.67% ay ibinaba sa 1.47%. Halos P240 bilyon lamang o 28% ang inilaang badyet ng gobyernong GMA kung pagsasama-samahin ang alokasyon sa edukasyon, kalusugan, panlipunang seguro, pabahay at pamamahagi ng lupa. Ang malaking bahagi ng badyet ng gobyerno ngayong taon na mahigit P600 bilyon ay otomatikong nakalaang pambayad sa mga dayuhang utang ng bansa kahit walang pakinabang ang taumbayan. Halimbawa dito ay ang patuloy na pagbabayad ng utang sa walang pakinabang na Bataan Nuclear Power Plant.

Malaking kasinungalingan ang ROAD MAP TO RECOVERY PROGRAM at mapanlinlang ang islogang “SERBISYO MUNA” ng rehimeng US-Arroyo. Hindi interes ni GMA na palaguin ang ekonomiya at palakasin ang serbisyong panlipunan at pawiin ang kahirapan. Ang tanging interes ni GMA ay manatili sa poder ng pampulitikang kapangyarihan na lampas pa sa taong 2010 kahit sa pamamaraan ng lantaran at marahas na panunupil sa mga karapatan at kalayaang sibil ng mga mamamayan. Ang mga mararahas na dispersal ng mga kilos-protesta, welga, kaso ng pagdukot at pamamaslang sa mga progresibong lider manggagawa, magsasaka, estudyante, abogado, mamamahayag, pari, pag-Court Martial sa mga tumutuligsang opisyales ng AFP at PNP sa korapsyon ng rehimeng GMA, at pag-atake sa sektor ng midya ay mga palatandaang nabuhay na muli ang pasistang diktadurya sa bansa.

Hindi totoong pagod na ang taumbayan sa People Power! Pinatunayan ito ng mga serye ng kilos-protesta nang ideklara sa bansa ng rehimeng Arroyo ang state of national emergency (SNE). Bagkos, ang deklarasyon ng SNE ay malinaw na isang desperado at militaristang hakbang ni GMA sa sobrang takot nito na mapatalsik sa mismong araw ng paggunita ng EDSA People Power 1.

Hindi titigil ang taumbayan sa pagpapatalsik sa rehimeng US-Arroyo! Sa kabilang banda, hindi rin titigil ang kinamumuhiang rehimen sa paggamit ng mga pwersang militar at pulisya sa pagsupil sa taumbayan. Patuloy din ang gagawin nitong maniobra para makapanatili sa pekeng panunungkulan. CHA-CHA, sa pamamagitan ng pekeng peoples’ initiatives ang pinakahuling pakana ng rehimeng Arroyo para tiyakin ang kanyang panunungkulan na lampas pa sa 2010.

Ang Cha-Cha ay ang lumang tugtugin na sinasayaw ngayon nina GMA, De Venecia, at Ramos. Ang una ay ayaw umalis sa pekeng panunungkulan, ang ikalawa ay uhaw na uhaw na makapanungkulan, at si Ramos naman ay haling na haling na makabalik sa kapangyarihan. Ngunit ang Cha-Cha ay hindi lamang pagpapalit ng porma ng gobyerno. Higit pa dito, ang Cha-Cha ay para alisin ang mga makabayang probisyon na nagbabawal sa malayang pandarambong at pagkontrol ng mga dayuhan, lalo na ng mga dambuhalang kapitalista sa Estados Unidos, sa likas na yaman ng bansa at istratehikong mga industriya o negosyo. Ang Cha-Cha ay ang muling pagbabalik ng mga base militar at tropang kano sa bansa. Ang Cha-Cha ay ang muling pagbabalik ng pasistang diktadurya sa bansa sa ilalim ng pamumuno ng diktador na si GMA.

Hindi Cha-Cha ang tugon sa kahirapan at krisis pang-ekonomiya ng bansa. Magagawa ba ng Cha-Cha ang mga sumusunod:

1. Maisasabatas ba ang panukalang P125 legislated wage increase sa mga manggagawa at P3,000 dagdag na sahod sa kawani ng pamahalaan na matagal nang nakabinbin sa Kongreso?
2. Matitigil ba ang pambubuwag ng gobyerno, mga kapitalista, pulisya at militar sa mga unyon ng manggagawa at panunupil sa karapatang magwelga? Matitigil ba ang kontraktwalisasyon?
3. Matitigil ba ang mga demolisyon sa mga komunidad ng maralita at magkakaroon ng tunay na libreng pabahay?
4. Magkakaroon ba ng tunay na reporma sa lupa para magkaroon ng sariling lupang binubungkal ang mga magsasaka?
5. Tataas ba ang presyo ng produktong Kape at iba pang produktong agrikultural na binibili sa mga magsasaka? Bababa ba ang presyo ng mga bilihin at presyo ng langis at produktong petrolyo?
6. Makakapag-aral na ba ang milyon-milyong kabataan na hindi makapag-aral sa paaaralan bunga ng kahirapan?
7. Matitigil ba ang mga kriminal na aktibidad na kinasasangkutan ng mga militar at pulisya?
8. Matitigil ba ang talamak na korapsyon sa gobyerno at pangnanakaw sa kaban ng bayan?
9. Matitigil ba ang walang awang pagpaslang sa mga aktibista?
10. Mawawakasan ba ang pekeng panunungkulan ni GMA at mahahadlangan na ang pagkontrol ng mga korap na TraPo sa pulitika ng bansa?11. Magkakaroon ba ng kasunduang pangkapayapaan na magbibigay wakas sa armadong tunggalian sa pagitan ng CPP/NPA/NDF at ng Gobyerno ng Pilipinas?

Ibasura ang Cha-Cha! Patalsikin si Gloria! Itayo ang Transitional Council (Konseho ng mamamayan) na maghahanda para sa pagbubuo ng tunay na gobyerno ng mamamayan at di ng iilan. Ang Konsehong ito ang mag-aayos ng mga repormang pang-ekonomya, pulitika, militar, kultura, at relasyong internasyunal. Ito rin ang kagyat na magpoproseso ng pag-aamyenda ng Konstitusyon at magsasaayos o maghahanda ng eleksyong nasyunal para sa pambansang mga posisyon. Si GMA at ang Cha-Cha ay pawang mga pekeng solusyon sa lumalalang kahirapan, krisis pangkabuhayan, at kaguluhang pulitikal ng bansa.

PATULOY NA LABANAN ANG PAGPAPAHIRAP, PANUNUPIL, AT PANLILINLANG SA TAUMBAYAN NG REHIMENG US-ARROYO! Magagawa lamang ito ng taumbayan sa pamamagitan ng tuluy-tuloy at walang takot na pagsusulong ng katotohanan, katarungan, at kapayapaang ayaw tahakin ng nabubulok, bangkarote, sinungaling, mandaraya, korap, diktador at pasistang rehimeng US-Arroyo. Kinakailangang ang maramihang paglahok ng mga manggagawa, magsasaka, maralitang lungsod, propesyonal, taong simbahan, ng mga makabayan at progresibong mga pulitiko at oposisyong anti-arroyo, ng mga kontra-korapsyon na mga sundalo at pulis, at lahat ng samahan ng mamamayan sa lalawigan ng Kabite sa pambansang panawagan ng pagpapatalsik sa rehimeng US-Arroyo.

Kailangang sama-samang biguin ng taumbayan ang panunumbalik ng pasistang diktadurya sa pulitika ng bansa at ang tumitingkad na lantaran at marahas na represyong pulitikal na mas malupit at mas mapamuksa kaysa sa pasistang diktaduryang Marcos.

Itaguyod ang pakikibaka para sa: Demokrasya hindi Diktadurya! Hanapbuhay hindi Cha-Cha! Kalayaan at Karapatan hindi Karahasan! Katotohanan hindi Kasinungalingan! Kasaganahan hindi kahirapan!

SOLIDARITY OF CAVITE WORKERS (SCW)
Abril 1, 2006